Sunday, October 9, 2011

Thank You For Calling...





          Hindi madali ang trabaho ng isang call center agent. Madalas ay gabi ang pasok lalo na yaong mga naka-assign sa graveyard shift. Kasama din sa hirap ng buhay call center, lalo na yung mga Kano ang customer na masigawan, o minsan pa ay mamura ng mga nasabing callers.

          Si Bernice ay dalawang taon nang nagtratrabaho sa isang magandang kumpanya sa Alabang. Isa syang call center agent para sa isang cellphone company sa tate. Sa loob ng dalawang taon na iyon, mapalad si Bernice na pumapasok syang mulang alas sais ng umaga hanggang alas tres ng hapon. Hindi nya nararanasan ang puyat na pilit nilalabanan ng mas maraming mga empleyadong gaya nya. Subali’t tila mailap ata ang swerte sa kanya nitong mga huling araw, at hindi nya nagawang piliin ang pang-umagang shift sapagkat may nauna na dito, at lahat ng kanyang pagpipilian ay pawang mga panggabing oras na lamang. Dahil wala na din naming magawa, pinili na ni Bernice na pumasok ng mula 10pm hanggang 7am. Ika nya, “Mabuti nang maagang umalis, noh, kesa naman bigla na lang akong mahablutan ng bag sa kalsada o baka meron pang mas masamang mangyari, diba?” “Naku mareh, sinabi mo pa. Nabalitaan mo ba si Jessica? Yung escalation rep natin… ayun, pauwi na lang nung isang araw, mga alas tres ata. Naholdap yung jeep, tangay lahat pati buong sweldo nya." pag sang-ayon naman ni Marie, matalik na kaibigan ni Bernice.

          Isang gabi, habang naglalakad sya papunta sa opisina, may nakasalubong syang dalawang lalaki at isang babae. Hindi nya naaninag ang mga mukha nito hanggang sa makalapit sya. Si Marie pala. “O, san ka pupunta? Anung oras ba ang shift mo? Magaalas diyes na ah?” wika ni Bernice na nag-aalala. Tumugon naman si Marie. “Jan lang may kikitain sa kanto.” “O sige, bilisan mo te, alam mo naman si TL ayaw nun ng may late, ok?” Tumango si Marie at nagpatuloy sa paglalakad. Pagpasok ni Bernice sa building, dali dali syang tumakbo patungo sa elevator B na paakyat na. Laking gulat nya nang biglang may babaeng sumingit at inunahan sya sa huling pwesto.  Kumaway ito at nagsabing, “Mars, pasensya na, may nakalimutan ako. Sorry talaga!” Si Marie ulit.  Pawang hindi nya kilala ang mga nakasakay na kasama ng kaibigan.   Isang bagay na imposibleng mangyari sapagkat ang elevator na iyon ay sa mga floor lamang ng account nila humihimpil. Nangiti na lang sya at naghintay ng susunod na elevator.

          Paglapag sa 14th floor, nakasalubong niyang muli ang kaibigan bitbit ang coffee mug na babasagin. “Mars, favor naman, please? Pwede ba pag dipa ako nakabalik agad, pakisabi naman kay TL John male-late ako. Pero I’ll be there ASAP.” Pakiusap ni Marie. Tumugon naman si Bernice at tumawa “Hay nako mars, anu pa bang bago? Sige go! Basta bilisan mo ha?” muli ay tumango lamang si Marie at sumakay, hindi sa bukas nang elevator kundi sa elevator B. Hindi nya napansin na may dalawang lalaking nakapasok na pala sa elevator sa sandaling nagkausap sila ng kaibigan. Makalipas ang dalawang oras ng pagtanggap ng mga tawag, napaisip si Bernice na tila may bagay syang dapat gawin na hindi nya nagawa. Lumabas sya upang manigarilyo sa baba. Muli ay nakasalubong na naman nya si Marie papalabas ng parehong elevator at saka lamang nya naalala na hindi nya nasabihan ang Bisor nito tungkol sa kanyang pinapasabi. “Naku! Mars, nakalimutan ko sabihin kay TL na malelate ka! Takbo ka muna sa kanya para malaman nyang nandito ka na!” ngumiti lamang si Marie sa kanya at nagsalita nang malumanay, “Ok lang.” Dumiretso na syang pumasok sa loob ng call floor at hindi na lumingon. Pagsara ng pinto, ay napansin nyang kasunod na naman ni Marie ang isa sa dalawang lalaking hindi nya mamukhaan.

          Pagdating sa baba, nakita ni Bernice ang bisor ng kaibigan kaya’t nilapitan nya ito. “TL, nakalimutan kong sabihin sa inyo na baka daw ma-late si Marie, tumatakbong bitbit yung mug nya. May kikitain daw sa kanto.” Tinitigan sya ng mataimtim ng bisor at natagalang umimik. Maya maya pa ay ngumiti ito, at inakbayan si Bernice. “ikaw, kahit kelan you try to uplift people’s spirits. I know Hindi madaling tanggapin ang balita kapag malapit sa iyo ang nasasawi, Bernice. It’s a good thing na lang na sagot na ng kumpanya yung pagpapaaral sa kapatid ni Marie na gragraduate na next year. She’s an asset to the account and to all of us, her friends. Akyat na muna ‘ko, magmomonitor pa ako ng mga calls ng team.” Nanlamig bigla si Bernice at hindi na nakausal ng salita sa sinabi ng bisor. Tumindig ang kanyang balahibo at naramdaman nyang nanginginig ang kanyang mga tuhod. “Shit! Shit! Shit! Anu ba yun? Niloloko ba ko ni TL? Loko yun ah!”

          Madali syang lumakad papasok ng building at inabangan muli ang pagbaba ng elevator B. Pagtingin nya sa indicator, wala itong ilaw at pawang hinarangan ito ng dilaw na do not enter na mga banner. “Mam Bernice, sa elevator C o D na lang po muna kayo sumakay, kasi di pa po naaayos yang elevator na yan. Sabayan ko na po kayo.” Mahinahon na paalala sa kanya ng gwardya. “What do you mean? Nagamit ko pa to kanina, nasira na agad? Weird ha? Tugon ni Bernice, sabay pindot ng up button sa elevator C. “Mam, imposible po yun.” Pangiting wika ng guard. “Nadiskaril po yan kaninang umaga, sakay po yung kaibigan nyo…si miss Marie ba yun? Saka po si Sir John, isang guard at isa pa pong babae sa account nyo.” Napatitig si Bernice sa gwardiya, bumalik ang pangingilabot sa kanyang katawan at ang pangangatog ng kanyang mga tuhod. Nagpatuloy ang gwardiya sa pagsasalita, “Sabi ng mga datihang guard, ilang beses na daw bumigay yang elevator B dati, nung may 13th floor pa tong building. Pero simula nung ginawang 14th floor na, ngayon na lang ulit nangyari. Grabe, nakakatakot na sumakay jan kahit magawa pa nila.” Hindi na makapagsalita sa takot si Bernice at lumakad na lamang papalapit sa bumubukas na elevator C. "Mam, baba na lang po kayo sa 12th, tapos hagdanin nyo na lang papunta sa floor nyo at magroronda naman po ako." “O sige k-k-kuya, s-s-salamat” nagawang magsalita ni Bernice. Pagsara ng elevator, may tinig ng babaeng kilala ni Bernice na nakiusap sa kanya. “14th please.” Hindi nya na kinailangan pang lumingon. Habang umaakyat ang elevator C, nawala ang indicator nito pagsapit sa 12th at hinarangan na ito ng janitor ng mga do not enter banner.

WAKAS


by: DK Bautista

Taxi Number 45 (Tagalog Translation)

          Madilim na nang nagumpisang maglakad sina Julie at Kris mula sa isang party sa isang ilang na lugar.     “Sabi ko na sayo! Dapat hinintay natin si Gary doon sa party para may masakyan tayo pauwi. Eh nahihirapan tuloy tayong makahanap ng taxi sa lugar na ‘to. Wala atang dumadaan na taxi dito eh!” reklamo ni Julie sa kanyang nobyo.  “Jul, it’s getting late na and the party was getting a little boring already. Tapos parang ayaw pa umalis ni Gary eh. Hintay ka lang, may taxi din jan maya-maya.” ang tugon naman nito.


         Nakakita si Kris ng liwanag mula sa kanyang likuran.  nakala nyang taxi iyon at na sa wakas ay makauuwi na din sila.  Habang papalapit ang liwanag, naaninag ni Kris na isa nga itong taxing kulay pula.  Nagmamadaling pinara ng binata ang taxi subali't nagitla sya sa padabog na reklamo ni Julie,  “Ngek! May pasahero na Kris! Puno pa nga ang sasakyan eh.”  nang maaninag nang husto ni Kris ang loob ng taxi, puno nga ito gaya ng tinuran ng kasintahang inip na inip na.  Laking gulat ng dalawa nang bigalung huminto ang sasakyan ilang metro mula sa kanila.  “Grabe naman tong driver na to. Puno na nga, magpapasakay pa.” ika ni Julie.   “Baka dito na bababa ang mga pasahero niya.”, wika naman ni Kris habang nilalapitan ang sasakyan.  Sa tinuran ng nobyo ay lalong nainis pa ang dalaga. , “Ano? Eh wala namang bahay dito sa paligid ah. Tingnan mo nga. We’re practically in the middle of  nowhere!”.  Sa pagkakarinig nito, napalinga nga si Kris sa kanyang paligid at nakitang tanging malalawak na bakanteng lupain lamang sa kanan at malalim na gubat sa kaliwa nila ang nakapaligid.


          Nagumpisa nang magtaka si Kris.  Marahan nyang nilapitang muli ang taxi.  Pagsilip nya sa bintana, habang bahagyang yumuyuko, hindi sya makapaniwalang walang laman ang kanina ay punong punong sasakyan.  Naguumpisa na syang kilabutan, nguni't dahil sa kagustuhang maiuwi na din ang kanyang kasintahan, binuksan nya ang pintuan ng taxi upang kausapin ang driver.  Laking gulat nya nang siya'y magsasalita na, maging ang driver ng taxi ay wala na din sa loob ng sasakyan.  Nanlaki na ang ulo ni Kris sa tagpong ito.  Nakita nila ni Julie kanina na puno ang sasakyan.  Imposibleng sabay silang mamalik mata.“Ano daw Chris?! Bababa na ba ang mga pasahero niya?” yamot na sigaw ni Julie.  Bumalik sa kanyang sariling pag-iisip si Kris pagkarinig ng boses ng kasintahan, nguni't hindi pa din sya makapagsalita.  Sa takot, minabuti na lamang ng binata na dahan dahang humakbang palayo mula sa taxi patungo sa kinatatayuan ni Julie.  Pagsilip nyang muli sa sasakyan, walang pagsidlang ang takot na gumapang sa kanyang buong katawan.  Mukling napuno ng pasahero ang taxi, at ang lahat ng mga tao sa loob ay pawang nakatingin lamang nang deretso sa kawalan.  Kasabay ng paninindig ng kanyang mga balahibo, nagpatuloy si Kris na humakbang patalikod pabalik sa kanyang ksintahan.  Sa tagpong ito, dahan dahan at sabaysabay na lumingon ang mga taong sakay ng taxi sa kanya.  Tinitigan nila siya ng mga matang kulay puti.  nagmistulang puno ng liwanag ang kanilang mga titig.  Hindi na ito natiis ni Kris at buong loob na syang tumalikod sa sasakyang sigurado nyang puno ng maligno, at hindi ng pasahero.  Dali dali nyang hinablot ang braso ni Julie at hinila papalayo sa taxi.


          Makalampas ng ilang metro, lumingon silang muli upang malaman na wala na ang ghost taxi.  Hindi pa rin makapagsalita ang binata sa kabila ng pagtataka at pagtatanong ni Julie.  Di nagtagal ay may liwanag mula sa direksyon ng pinanggalingan ng taxi na tumambad at nakasilaw sa kanilang mga mata.  Bumalik ang takot at paninindig ng balahibo ni Kris. "Tang ina sinusundan kame!!!" ang tanging nasambit nya sa kanyang sarili.  Akma nang tatakbo si Kris, hila pa din si Julie sa kanyang braso, ay may naulinigan syang boses na nakapagpakalma sa kanya.  “Chris! Julie! Get in, I’ll take you guys home.” Si Gary pala.  Hindi na nagdalawang isip si Kris at itinulak na si Julie papasok sa awto na may halong pagtakbo, na tila hinahabol ng taong hindi naman nakikita.


          Sa loob ng kotse ni Gary, pinilit ni Kris na kumalma nang husto.  Nagmamadali pa din ang kanyang isipan na makaalis na sa madilim na dakong iyon. “I told you guys na sabay na tayong umuwi. Bakit umalis kayo kaagad?” inis na banggit ng kaibigan.  “Eh eto naman kasing kaibigan mo, Gar! Gustong-gusto nang umuwi. Kesyo bored na daw siya doon.” paliwanag ni Julie.  Nagpatuloy si Gary, “Di nyo ba alam na delikado dito?”.  Saka lamang nakapagsalita si Kris, “Di mo lang alam Gar! Hindi ka maniniwala sa nangyari sakin doon.”  Napatingin si Gary sa kabarkada na hanggang nagyon ay namumutla pa din, habang sinusulyapan ang kalsada, “Anung sinasabi mo?”. “Pare minulto ako doon!” bulalas ni Kris.  Sa tagpong ito, unti unti nang naliwanagan si Julie.  “Ano ano ano?” sigaw nito.  Bumaling si Kris sa nobya at saka ito nagumpisang magpaliwanag, “Yung taxing pinara natin, paglapit ko, nawala ang mga tao sa loob pati ang driver. Tapos napalingon lang ako saglit, pagtingin ko uli, may mga tao na naman sa loob. Puro puti ang mga mata nila pero naramdaman kong nakatingin sila sa akin. Muntik na’kong himatayin dun sa takot!”.  "OMG..." ang tanging nasambit ng dalaga sa pagkakarinig ng pangyayari, habang nakataklob ng dalawang kamay ang kanyang bibig.  Nang mahimasmasan ay nakapagsalita din ito at nagwika, “Chris huwag mo’kong takutin ng ganyan! Ayoko ng ganyang biro!”“Chris huwag mo’kong takutin ng ganyan! Ayoko ng ganyang biro!” napasigaw sya sa takot na may halong nangingilid na mga luha. "I believe you." and sabay nilang narinig sa kasamang tahimik lamang at nagmamaneho.  “Talaga? How could you be sure?” tanong ni Kris.  Napangiti na lamang si Gary sa tinuran ng kaibigan,  “I know you, man. You don’t have the creativity to make this stuff up!” wika niya.  “Plus you’re not the first one to experience that.”  "What do you mean?" patakang tanong ni Kris.


          “Some of my classmates back in college covered this story once so I pretty much have an idea of what you are talking about. Malamang ang nakita mo tonight ay ang kinakatakutang ‘Taxi #45 ng Malaya Company.’ About five years ago, nadisgrasya dito mismo sa Bayside Road ang Taxing yun. Ang driver pati na ang apat niyang pasahero, patay nang sumalpok ang sasakyan sa puno. Pagkatpos ng disgrasya, marami nang mga kwentong kumakalat na may mga nakakakita pa rin ng taxing yun. May iba sinasabing nakita nilang bumangga ang taxi pro nawawala naman pag nilapitan. May mga kwento rin na tulad sayo, humihinto ang taxi pag pinara tapos pag sasakay na ang pumara, magpapakita yung mga namatay na pasahero. At meron pa. Minsan pag pinapara ang taxi, pinapasakay mismo ang pumara. Tapos bago pa makalabas ng Bayside Road, hihinto ang taxi. Pag tatanungin na ng nakasakay kung ano ang problema, lilingon ang driver pero makikita ng sumakay na walang mukha ang driver. Sinubukan na ng mga classmates ko na tanungin ang Malaya Taxi Company about sa Unit #45 nila pero ang sabi ng kompanya eh nandoon lang daw sa garahe nila ang taxi at di na magamit dahil total wreck na.” kwento ni Gary.  “Kung yun nga ang taxing pinara mo Chris, pasalamat ka na lang na yun lang ang pinagdinaanan mo."  huminga nang malalim si Kris na may halong pag-iisip.  “Diyos ko. Di talaga ako naniniwala sa mga ganitong bagay, Gar. Eh nanginginig pa nga ako hanggang ngayon. Ewan! Ngayon ‘pag iniisip ko yung nakita ko, parang bangungot ang pumapasok sa isip ko. Hindi ata ako makakatulog ng ilang araw nito. Yung mga mata nila, ‘di yun maaalis sa utak ko. Para silang umiilaw sa puti”  dagliang tumugon ang kaibigan na patuloy sa pagmamaneho, “Sabi ng iba, kaya daw ganun angmga mata nila kasi huli nilang nakita sa daan bago namatay ay high beam headlights ng isa pang sasakyan. Sabi nila baka nasilaw dun ang driver kaya sila nadigrasya.  Hindi na napigilan ni Julie ang sarili at sumingit na ito sa usapan, "Chris nahihilo ata ako sa kwento ninyo. Akala ko sa movies lang nagyayari ang mga ganun. Buti na lang hindi ako lumapit doon. Thank God things like those don’t happen to me pero Chris, nilalamig talaga ako ngayon. Nakakapangilabot talaga yung taxing yun." “Julie, just relax and lean back. It’s gonna be ok. Malapit na tayong makalampas sa Bayside Road. Wala pakong naririning na sightings ng taxi outside this road." pangiting wika ni Gary sa rear-view mirror ng sasakyan.


           “May isa pa. Hindi lang yung taxi mismo ang nagpaparamdam sa mga dumadaan doon sa Bayside. Pati na ang mga namatay na pasahero nito ay naghahasik din ng lagim. May nagsasabing nagpapakita daw ang mga pasehero sa mga drivers ng mga sasakyang dumadaan doon. Makikita mo daw sila sa tabi ng daan na parang pinapara ka. Tapos ‘pag nakalampas ka na, magugulat ka na lang pag lingon mo sa rear view mirror. Makikita mo na lang na nakasakay na sila sa likod.” dagdag pa niya.  ,“Anak ng… Eh anung gagawin ng driver?!” bulalas ni Kris na halos maipit na ang boses sa takot.   “Marami sa mga drivers, lumalabas sa sasakyan at tumatakbo. Kaya maraming nachochop-chop na sasakyan diyan sa Bayside kasi iniiwan na lang.”  Minasdan nyang muli ang magkasintahan sa salamin at nagpatuloy sa pagkukuwento.“Meron namang mga driver na malalakas ang loob at pinapabayaan na lang daw. Pero may nangyayari sa mga pasahero ‘pag pinabayaan mo lang silang sumakay. Nawawala daw sila isa-isa at nangyayari ito habang may dumadaan na sasakyan. Ang sabi ng iba, yung Taxi #45 ang nakakasalubong mo kaya’t nawawala yung mga multo sa likod ng sasakyan mo. Parang isa-isa silang sinusundo.” “Grabe! Gulong-gulo talaga siguro ang mga kaluluwa nung mga namatay kaya’t ganun na lang sila kung pagparamdam.”  wika ni Kris habang hinahaplos ang buhok ng nobyang nakakuyapit na sa kanyang bisig at lilinga linga.  Tumango si Gary, “Sa tingin ko kaya nila ginagawa yung dahil ‘di nila maalala kung ano ang nagyari sa kanila. Paulit-ulit silang bumabyahe sa Bayside para maalala at matanggap ang sinapit nila. Kaya kung pakikiramdaman o pakikitaan ka man, pabayaan mo na lang. Isipin mo na lang na para mo na silang tinutulungan.”


          Nakarating nang malualhati ang tatlosa bahay nina Julie at ipinagbukas pa ang dalawa ni Gary ng pinto ng kotse.  Pumasok na si Julie sa loob ng bahay habang naiwan pa ang dalawang binata sa labas at nagpaalaman. “Thanks man! Because of the things you’ve said, I kinda feel better about what happened tonight,” wika ni Kris na may kasamang malalim na paghinga.  Ngumiti lamang si Gary at kinamayan ang kaibigan, “Don’t worry. All three of us shared your ordeal tonight. By the way, nakita ko rin sila ngayong gabi…”  Nanlaking muli ang mata ni Kris sa narinig, “What?!… How?! Wh...wh...where?!”  “Relax! I think I handled it pretty well. Just don’t tell Julie about it.”  Napakunot ang noo ni Kris at patuloy na nagtanong.  “Ha? Bakit?”  Tumugon naman agad si Gary, “When I saw them, they were already inside.” Napamura nang malutong si Kris. “Yes. They were inside my car but I just couldn’t scare the hell out of your girlfriend. Kaya alam ko kung bakit siya nilalamig kanina. And don’t worry. You’re here now in her house. You’re safe and secured. We’re kilometers away from the Bayside Road. You have nothing to be scared of anymore."  Muling bumalik ang panlalambot ni Kris sa pahabol na pangyayaring ito at siya'y napaupo sa hagdan ng beranda ng bahay ng nobya.. Nilingon ni Gary ang kanyang sasakyan at tuminging muli sa kaibigan habang humahakbang palayo. “Yo I need to go! See you around.”  Napasigaw si Kris sa tangkang pag-alis ng kaibigan, “Whoa, Gar! Ayaw mo mag-stay?”  Kumaway lamang ito at nagwikang  “No! I still have to go back!”  Sa gulat ay napatayo si Kris sa kanyang pagkakalumo. “Wh.. WHAT? Sa Bayside?! Bakit?! Naloloko ka na ba? Umuwi ka na kaya!" nag-aalalang sigaw niya habang lumalakad patungo sa sasakyan ng kaibigan.  Pagkasara ng pinto, ay nagsambit si Gary ng mga huli nyang salita, "Trust me."  Matapos ito ay umalis nang tuluyan si Gary.  Nasagot ang mga pag-aalala at katanungan sa isipan ni Kris kung bakit kailangan pang bumalik ang kaibigan sa nakapanghihilakbot na tagpo sa Bayside Road.  Nakita niya ang isa pang pasahero sa likuran ng awto ni Gary.  Lumingon ito pabalik sa kanya gamit ang mga nagliliwanag na puting mga mata.  May isa pang pasaherong ihahatid si gary ngayong gabi.






for the original story written by Ronald Gary B. Bautista in English, click HERE.